Mayor Angelo Emilio G. Aguinaldo; sa mga bumubuo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na pinangungunahan ni Dr. Emmanuel F. Calairo; at sa lahat po ng naririto, isang mapagpalaya at pinagpalang gabi po.
Bago po ang lahat, maraming salamat po sa inyong pag-anyaya sa akin upang magbigay ng pambungad na mensahe sa isandaang araw na paglulunsad ng ika-isang daan at dalawampu’t limang (125) Anibersaryo ng Kalayaan at Pagkabansang Pilipino 2023-2026.
Higit pang nakagagalak ang anibersaryong ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi lamang isa, kundi tatlong taon ang ating selebrasyon—mula 2023 hanggang 2026—at sa pamumuno ni Dr. Emmanuel F. Calairo ay ilulunsad ang mga panandang pangkasaysayan sa iba’t ibang bayan sa buong Pilipinas.
Bilang natatanging miyembro ng gabinete na Muslim, ako po ay lubusang nagagalak sa aking pagdalo dito dahil—kung hindi po ako nagkakamali—ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang Maranao ang magsasalita sa okasyon ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ating kalayaan.
Dito sa Kawit unang iwinagayway ang ating bandila, ngunit maipagmamalaki naman naming mga taga-timog na masigasig at magiting na ipinaglaban ng mga taga-Mindanao ang ating lupang sinilangan.
Samakatuwid, mahigit tatlong daang taon ang pagsakop ng mga Kastila sa Luzon at Visayas, ngunit hindi nasakop ng mga banyaga ang Mindanao. Dahil matinding ipinaglaban ng mga Moro ang ating lupa, pati na din ang ating kultura, patakaran, at paniniwala ng mga taga-Mindanao.
Kaya malayo man kami sa Kawit, kasali po kami sa pagpapasalamat para sa kasarinlan ng Pilipinas at sa pagmamalaki ng katanyagan ng ating lupang sinilangan.
Tunay naman na dapat ipagmalaki at ipagdiwang na isang daan at dalawampu’t limang taon na ang nakalipas, subalit ang araw at mga bituin ng ating bandila—na unang iwinagayway dito sa Cavite at bumuhay sa alab ng puso ng mga Pilipino—ay higit pa ring nagniningning sa bawat sulok ng ating mahal na Pilipinas—sa Luzon, Visayas, at sa Mindanao.
Nakatataba nga naman ng puso na kahit nagmumula tayo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, iisa pa rin ang pintig ng ating damdamin—ang pagmamahal natin para sa ating inang bayan.
Kaya naman pagkakaisa—o unity—ang panawagan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dahil ang paglayang minamahal ay hindi naman para sa iilan lamang, kundi para sa lahat.
At iyan ang layunin ng ating Agenda for Prosperity o ang ating patakaran tungo sa kasaganahan. Lahat ng ginagawa ng pamahalaan ngayon ay para sa kasaganahan ng sambayanang Pilipino: Economic Transformation Towards Inclusivity and Sustainability o ang pagpapalaganap ng ating ekonomiya para sa lahat, kasama na din ang mga susunod na henerasyon.
Sinisikap po ng kasalukuyang administrasyon na maiangat ang buhay ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng economic growth. At unti-unti ay nakakamit na po natin ito. Noong nakaraang taon, ang ating Gross Domestic Product o ang tinatawag na GDP ay lumago ng 7.6 percent, higit pa po ito sa mga estima ng pinakamagaling na mga ekonomista hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
At upang maramdaman naman po ng lahat ang kasaganahan, sinisikap din po namin na maiparating ang mga proyekto ng ating gobyerno, hindi lamang sa Metro Manila, kundi mula Aparri hanggang sa Tawi-Tawi.
Kaya din naman pati ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ay hindi nakakaligtaan at nabigyan na ng Block Grant na mahigit sa Php 66 billion.
Tutulungan din po natin ang bawat lokal na pamahalaan na maging empowered sa pamamagitan ng devolution, alinsunod sa Executive Order No. 138 at sa Mandanas-Garcia Supreme Court ruling.
At sisikapin naman po natin na magkaroon ng tinatawag na bureaucratic efficiency o mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan, pati na din ang pagkakaroon ng transparency at accountability sa pamamagitan ng digitalization. Mayroon po tayong Digital Transformation Roadmap na susundin upang maging mas mabilis at mas tapat ang mga sistema ng buong gobyerno.
Para makilala at matandaan naman po ng mga susunod na henerasyon ang kahalagahan ng mga okasyong katulad nito ngayon, naglaan na po tayo ng higit sa tatlong daan at apatnapu't apat na milyong piso (Php 344.63 million) para sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o National Historical Commission of the Philippines. Sa ilalim po nito, mahigit limampu’t pitong milyong piso (Php 57.01 million) ang nakalaan para sa kanilang Historical Commemoration and Promotion Program.
Napakarami pa po nating mga proyekto at patakaran para sa tinatawag nating Agenda for Prosperity. Ngunit hindi natin ito makakamit kung ang gobyerno lamang ang gagalaw. Kailangan po natin ang kooperasyon ng bawat mamamayan.
Kaya nais ko pong imbitahan kayong lahat na patuloy na isa-puso ang mga aral ng ating nakaraan dahil ito po ang tanging paraan sa ating pag-usad bilang isang bayan.
Huwag po nating kalimutan na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon sa kasalukuyan ay bunga ng kagitingan at pag-aalay ng sarili para sa bayan ng ating mga ninuno.
Kaya sama-sama po nating isakatuparan ang ating hangarin para sa mas maganda, masagana, at mapayapang kinabukasan ng ating mga kababayan at ng mga susunod pang mga henerasyon…
…upang makita din po ng mga Pilipino dito sa Pilipinas at sa pinakamalayong dako ng ating archipelago, at pati na rin sa iba't ibang dako ng mundo, ang kislap ng ating watawat, ang tagumpay na nagniningning.
Mabuhay po kayo! Mabuhay ang Pilipinas at mga Pilipino!
Assalamu alaikum. Maraming salamat po.