MENU

The President Budget Message

 PRESIDENT

Badyet ng Tunay na Pagbabago

 

(Isinalin sa wikang Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino)

TALAAN NG NILALAMAN

Introduksiyon: Ang Simula ng Tunay na Pagbabago          3

Pilosopiyang Pambadyet                                                             4

Pagpopondo sa Badyet ng 2017                                               7

Mga Tampok sa Programang Paggugol                                  10

Pamamahala at Reporma sa Badyet                                         18

Kongklusyon: Ang Badyet para sa Tao at ng Tao               22

Piskal na Taon (PT) 2017

Mensahe ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte

sa Ikalabimpitong Kongreso ng Filipinas

Hinggil sa Pambansang Badyet sa Piskal na Taon (PT) 2017

15 Agosto 2016

Mga Binibini at Ginoo

ng Ika-17 Kongreso ng Filipinas:

Aking ikinararangal na isinusumite sa inyo, sa pamamagitan ng Pangulo ng Senado at ng Ispiker ng mga Kinatawan ng Filipinas, ang Panukalang Pambansang Badyet para sa Piskal na Taon (PT) 2017.

ANG SIMULA NG TUNAY NA PAGBABAGO

Tulad ng aking binigyang-diin sa talumpati ko noong inagurasyon, ang ubod ng suliranin na dapat nating harapin ay ang pagkaguho ng tiwala sa ating pamahalaan.

Krimen at katiwalian ang mga sintomas sa pagbagsak ng tiwala ng publiko. At ang ganitong pagbagsak ay naaapektuhan ang pinakamahihirap at mas lantad sa ganitong kalagayan sa ating lipunan. Kanino sila dadaing kung ang pamahalaan ay hindi magarantiyahan ang pinakabatayang karapatan na sila ay maging ligtas? Paano natin sila paniniwalain na ang pamahalaan ay nalikha para sa kanilang kapakanan kung hindi naman nila nararamdaman ang serbisyong kanilang kailangan?

Ako ay nahalal para iparanas ang tunay na pagbabago sa pamahalaan.

Ito ay mabigat na trabahong hindi magagampanan lamang ng iisang tao. Ang burukrasya ay dapat pakilusin upang epektibong maisakatuparan ang mga programa para makinabang ang pinakamahihirap. Kailangang mabilis na maaksiyunan ng Hudikatura ang pagpapatupad sa atas ng batas. Kailangang ipasá ng Kongreso ang mga batas at usisain ang badyet habang isinasaisip ang kabutihan ng mga nasa laylayan.

Tunay na pagbabago, tulad ng sinabi ko, ay nagmumula sa atin at sa ating sarili. Ang dapat nating unang baguhin ay ang pamamaraan ng ating pag-iisip na ang kapangyarihan at kayamanan ng ating mga tanggapan ay para sa ating ikabubuti. Kailangan nating ipaalala sa ating mga sarili ang batayang prinsipyo na: ang sambayanan, sa pamamagitan ng kanilang mga buwis, ang nagbibigay-búhay sa pamahalaan. Sila ang dahilan kaya mayroong pamahalaan.

Ang sambayanan ay umaasa nang lubos sa atin.

PILOSOPIYANG PAMBADYET

Mga kababayan, ang aking pangakong magsagawa ng tunay na pagbabago ay nakasalalay sa PHP3.35 trilyong ipinanukalang badyet para sa PT 2017.

Ito ang unang Badyet ng aking Administrasyon. Ito ang badyet na magbibigay ng katuparan sa aking pangako na ikinapanalo ko bilang Pangulo: ang ipaglaban ang katarungang panlipunan. Ito ay sinadya upang maisagawa na ngayon ang pagbabago.

Ito ang badyet para sa tao at sa pamamagitan ng tao.

Sa huling isa at kalahating buwan mula nang manungkulan, binalangkas namin ang Badyet na ito batay sa sumusunod na simulain:

Makatarungan at kontroladong patakarang pampananalapi. Nasa higit na mabuting kalagayan ang pananalapi ng pamahalaan: sa katunayan, kabilang ito ngayon sa mga mapagkatitiwalaang mangungutang pagkaraang maabot ang antas pampamumuhunan sa pangungutang. Gayunman, dahil sa hindi gaanong paggasta ay pinagkaitan natin ang mga mamamayan ng kailangang-kailangan nitong serbisyo. Lumaki ang kanilang buwis sa pagdaan ng panahon dahil lipás na sa panahon ang halaga nito.

Kaya, bumalangkas kami ng mga tuntuning pampananalapi na pakikinabangan ng mga tao. Babawasan natin ang pasaning buwis ng mga tao sa pamamagitan ng makatarungang pagbubuwis. Higit pa nating gagastusan ang imprastruktura at mga serbisyong panlipunan. Pasisimplehin natin ang pamamalakad sa pamahalaan at higit na pahuhusayin ang paghahatid ng serbisyo. Dapat nating ipagkaloob sa ating mga kababayan ang pinakasulit na halaga sa bawat Piso na sinisingil at ginagasta.

Pag-uukol ng pansin sa kaayusang panlipunan at karampatang kaunlaran. Ang tunay na pagbabago ay nangangahulugan na ang badyet ay nakabatay sa ating sama-samang minimithing kapayapaan at kasaganaan. Gayunman, hindi ito matatamo kung patuloy na mananaig ang krimen, tunggalian, at katiwalian. Kaya, ang badyet na ito ay tutustos sa ating pangarap para sa isang maayos, makatarungan, at matatag na lipunan sa pamamagitan ng isang propesyonal na pulisya at hukbo; isang gumaganang sistemang pangkatarungan; malinis at hindi lumolobong bilang ng mga tauhan sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Popondohan ng badyet na ito ang layunin namin na maghatid ng nararapat na kaunlaran para sa lahat. Isang maaasahan, maginhawa, at hindi magastos na network pantransportasyon na maghahatid sa mga tao sa kani-kanilang trabaho at pauwi sa kanilang pamilya. Sapat na pagkain para sa lahat at disenteng kabuhayan para sa mga magsasaka at mangingisda. Sapat na pondong pantulong sa mga maralita, kabilang na ang mahihina. Mga pamayanang panlalawigang hindi magpapahulí sa Maynila, maliliit na negosyong maaaring makipagkumpetensiya sa malalaking korporasyon, at ekonomiyang panloob na maaaring makipagpaligsahan sa buong daigdig.

Kung ano ang badyet, iyon ang mapakikinabangan. Ang problema sa mga nakaraang badyet ay ito: hindi nagagamit ang nakasaad na badyet. Halimbawa, sa katitipid ng gobyerno sa paggasta, hindi nakaaabot ang serbisyo sa taumbayan. Higit dito, binago ng mga nakaraang administrasyon ang ilang bagay kaugnay ng badyet alinsunod sa kanilang kagustuhan: sa pamamagitan ng maling paggamit sa natipid o naimpok, pagpapatibay muli ng badyet at pagdami ng mga pondong lump sum. Para ano pa at pinagtibay ng Kongreso ang General Appropriations Act (GAA)?

Ang panahon ngayon ay panahon ng kapani-paniwalang badyet: kung ano ang nakasaad na badyet, iyon ang mapakikinabangan ng mga tao sa pamamagitan ng mga serbisyo at benepisyo.

Ipagpapatuloy ng aking administrasyon ang higit na matitinding politikal na pagpapasiyang reporma sa pampublikong pamamahalang pampananalapi (public financial management o PFM). Pag-uukulan natin ng pansin ang pagsasakatuparan ng isang kapani-paniwalang badyet. Ito ay mangangahulugan na ang mga ahensiya ay magkakaroon ng kakayahang bumalangkas ng mga programa at proyekto na handang isakatuparan. Ito ay nangangahulugang patuloy nating kokontrolin ang pagpapalabas ng pondo sa mga ahensiya, gayundin ay magbabawas ng pamamaraan ng paggasta sa pondo ng bayan. Ito ay nangangahulugan ng awtomasyon ng mga transaksiyong pampananalapi at pag-uulat sa bayan.

Paano natin lulutasin ang kakulangan sa paggasta? Batid natin ang ugat ng nasabing problema: hindi maayos na pagkakahanda sa badyet. Simula ngayon, pag-uukulan natin ng higit na mabuting pansin ang higit na mahusay na pagpaplano at paghahanda ng badyet, habang pinahuhusay din ang kakayahan ng mga namamahala ng salapi ng mga ahensiya para makapagbalangkas, mabisang maipatupad ang mga programa at proyektong kinakailangan, posible, at mabisa.

Binibigyang-diin ko rin na ang mga probisyon ng badyet na ito ay umaalinsunod sa mga kapasiyahan ng Korte Suprema hinggil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at sa Disbursement Acceleration Program (DAP). Hihigitan natin ang paggasta subalit alinsunod sa batas.

Pananagutan sa taumbayan. Sa panahon ng aking panunungkulan, patuloy na magkakaroon ang ating bansa ng isa sa pinakatransparent at nakikibahaging badyet sa buong daigdig. Bibigyan din natin ng higit na diin ang pananagutan: maaaring humingi ng impormasyon ang taumbayan at tawagin ang ating pansin sa mga maling paggamit sa pondo at hindi mahusay na paggawa. Sa ganitong paraan lamang higit na makatutugon ang gobyerno sa taumbayan.

Hindi tayo basta na lamang magpapakita ng mga online data. Ipagtatanggol natin ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon: kung kailan at kung paano nila ito gusto. Kaya nagpalabas na ako ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 2, serye 2016 na nagsasakatuparan ng panukalang-batas na Freedom of Information sa Sangay Tagapagpaganap. Nagtitiwala kaming pagtitibayin ng Kongreso ang batas na ito na matagal nang hinihintay.

Hindi lamang natin binibigyan ang ating kababayan ng karapatang magpasiya kung ano ang popondohan: bibigyan natin sila ng kakayahan, sa pamamagitan ng kanilang mga inihalal na kinatawan, na papanagutin kami sa pagsasakatuparan sa badyet ng tapat, maayos, at may mga nasusukat na resulta.

Mga lokal na pamahalaan bilang mga katuwang sa pagpapaunlad. Kabisado ng mga yunit ng pamahalaang lokal (LGU) ang mga problema ng pamayanan. Sila ang nasa higit na mabuting katayuan upang tugunan ang mga problemang iyon nang agaran at mabisa. Gayunman, dalawampu’t limang taon pagkaraang pagtibayin ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal, ang mga LGU ay nananatiling umaasa sa mga transfer o paglilipat ng pondo mula sa sentro o punong rehiyon sapagkat hindi nila kayang magkaroon ng sapat na salapi at ipagkaloob ang mga pangunahing serbisyo sa ilalim ng kanilang mandato.

Ang aming layunin ay palakasin ang mga pamahalaang lokal bilang mga katuwang na may kakayahan sa pagpapaunlad pambansa. Tinutupad namin ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang pondo hindi bilang politikal na pagpapasiya o pabor: iaayon natin ang mga nasabing salapi sa kanilang implementasyon na higit na mataas na pamantayan ng mabuting pamamahala, pagpapahusay ng kanilang kakayahang makalikha ng pera, at pagpapalakas ng kanilang abilidad na maghatid ng mga pangunahing serbisyo.

PAGPOPONDO SA BADYET NG 2017

Dahil sa pagdami ng pangangailangan ng ating mga mamayan, ang paggasta ng bayan ay dapat lumaki din upang matugunan ang mga pangangailangang iyon.

Sa PHP3.35 trilyon, higit na mataas ang panukalang Badyet para sa 2017 nang 11.6 porsiyento kompara sa Badyet para sa 2016. Kumakatawan ito sa 21.0 porsiyento ng tinatayang 2017 gross domestic product (GDP); ito ay pandagdag na badyet, higit na mataas kompara sa karaniwang gugulin na 16.6 porsiyento ng GDP mulang 2006 hanggang 2015.

Gayunman, ang ating mungkahing pinakamataas na gugulin (expenditure ceiling) at ang target na kakulangang salapi sa taon (fiscal deficit) para sa medyo matagal na panahon ay makatwiran at tamang pananalapi.

Programang pampananalapi. Ang kakulangan sa badyet ay aabot sa PHP478.1 bilyon sa 2017, katumbas sa 3 porsiyento ng GDP. Ang bagong kakulangan para sa susunod na taon hanggang 2022 ay nagpapahintulot sa atin na dagdagan ang paggasta sa impraestruktura, pagpapaunlad sa lalawigan, at mga serbisyong panlipunan.

Makasisingil tayo nang sapat na mga buwis at iba pang rentas sapagkat inaasahan natin na uunlad ang ating ekonomiya. Ang GDP ay inaasahang tataas nang 6.5 hanggang 7.5 porsiyento sa 2017 sa pamamagitan ng patuloy na paglawak ng mga serbisyo at mga sektor ng industriya. Ang plano natin na isulong ang ekonomiya sa pamamagitan ng paggasta nang malaki sa impraestruktura ay magtutulak sa panibagong pagtaas ng GDP sa susunod na taon at sa buong panahon ng ating panunungkulan.

Ang mas malaking kakulangan sa pananalapi ay nangangahulugang lolobo rin ang pangungutang natin—subalit ang mga bagong utang na ito ay may mga resulta.

Sa pagpapalaki ng kakulangan, gugugol tayo nang mas malaki upang matamo ang higit na karampatang pag-unlad. Halimbawa, binabalak natin na dagdagan ang paggasta mula nang 6 hanggang 7 porsiyento ng GDP sa loob ng aming termino upang makagawa ng mga kalsada, riles, silid-aralan, pasilidad sa pagsasaka, at iba pang kinakailangang impraestruktura.

Ang mga dagdag na utang ay hindi maglalagay sa panganib sa ating matatag na kalagayang pampananalapi. Dahil sa malakas na pagsulong, patuloy nating malampasan ang ating pasaning utang.

Rentas. Ang kabuoang singiling rentas sa susunod na taon ay inaasahang aabot sa PHP2.48 trilyon, o humigit-kumulang 10 porsiyento sa inaasahang masisingil sa 2016. Katumbas nito ang 15.6 na porsiyento ng GDP. Ang kinitang buwis ay bubuo sa humigit-kumulang 93 porsiyento ng kabuoang target ng buwis at aabot sa 14.5 porsiyento ng GDP sa susunod na taon, na pinahusay na pagsisikap sa pagbubuwis kompara sa 14.1 porsiyento ng taóng ito.

Subalit ang mga pagtatasa na ito ay batay sa kasalukuyang kalagayan (status quo).

Ito ang kambal na suliranin ng ating pagbubuwis ngayon: samantalang kabilang táyo sa may pinakamataas na singil ng buwis ngayon, hindi maganda ang ating mga pagsisikap na mapabuti ang paniningil kung ihahambing sa ibang mga bansa sapagkat higit na masalimuot itong isinasagawa. Pangunahing pinagkukuhaan ng pamahalaan ng rentas ang mga buwis sa kita ng mga empleado at korporasyon, butaw sa mga inangkat, mga buwis na value-added sa pagbili ng mga paninda at serbisyo, at “sin taxes” sa sigarilyo at mga inuming may alkohol. Sa kasamaaang-palad, hindi ito sapat dahil sa hindi pagbabayad ng buwis, pagpupuslit, at ibang lusot.

Wawakasan na natin ang hindi makatarungang kalagayang ito.

Magmumungkahi tayo sa Kongreso ng mga panibagong hakbang na magdaragdag ng mga buwis sa paraang mas makatarungan, episyente at mas simple na hindi pabigat sa mahihirap. Itataas nito ang kabuoang buwis nang 17 porsiyento ng GDP sa 2018. Pagdating ng 2022, aabot na sa 18 porsiyento ng GDP ang buwis: kahalintulad ng ibang bansa sa Timog Silangang Asia.

Mga panghihiram at utang. Ang kabuoang panghihiram sa 2017 ay aabot sa PHP631.3 bilyon. Gagamitin ang halagang ito upang mabayaran ang PHP478.1 bilyong deficit natin, bayaran ang PHP89.3 bilyong pagkakautang na kailangan nang bayaran, makapag-ambag nang PHP45 bilyon sa Bond Sinking Fund, at mapanatiling sapat ang salaping nasa Kabang-yaman. Ang kabuoang pangungutang natin para sa 2017 ay 9.2 porsiyentong mas mababa sa inaasahang pangungutang sanhi ng higit na mababang kahingian sa muling pamumuhunan (refinancing requirement). Makasasapat na ito upang maibsan ang paglaki ng ating deficit.

Ang kasalukuyang pagkakautang ng pamahalaan ay bababa sa 40.9 porsiyento ng GDP sa susunod na taon, mula 44.8 porsiyento sa 2015. Ang ating debt stock kompara sa ating ekonomiya ay bababa sa 40 porsiyento ng GDP sa 2018 at malalapit sa 35 porsiyento ng GDP pagdating ng 2022. Maaabot ito kung pagbubutihin natin ang pangongolekta ng buwis sa pamamagitan ng komprehensibong reporma sa buwis, paggastos sa mga tamang priyoridad, at pagbabantay sa mga panganib sa pananalapi upang mapalago ang ekonomiya.

Palalakasin din natin ang kakayahang makabawi ng ating propayl ng pagkakautang sa pamamagitan ng lubos na pagkiling sa lokal na panghihiram habang nilulubos ang mga concessional loan mula sa mga katuwang sa pagpapaunlad. Ipatutupad natin ang pangungutang na 80:20 na pabor sa mga lokal na kontrata upang maibaba ang mga panganib sa palitang banyaga, gayundin upang matulungang umunlad ang ating lokal kapital market.

MGA TAMPOK SA PROGRAMANG PAGGUGOL

Bilang kasangkapan para sa makatarungang pag-unlad, ang panukalang Badyet na ito para sa 2017 ay nakatuon sa yaman ng mga programa at proyekto na ipinatutupad sa ating 10-point adyendang pagpapaunlad panlipunan-pangkabuhayan.

Sa kabuoang PHP3.35 trilyong programa sa paggugol para sa susunod na taon, 40 porsiyento ang gagamitin para sa pinakamahalagang yaman natin, ang tao, sa pamamagitan ng edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, kagalingang panlipunan, at iba pang serbisyong panlipunan. Magkakaroon ng 27.6 porsiyento ng badyet ang mga serbisyong pangkabuhayan upang maiayos ang ating nasirang network ng imprastruktura, mapasigla ang ating agrikultura at sektor ng kanayunan, at magkaroon ng mas maraming trabaho at pinagkakakitaan.

Halos 22 porsiyento ng panukalang badyet ay tutustos sa mga pangkalahatang serbisyo at tanggulan. Habang nananatiling pantay ang kabahagi ng sektor na ito sa badyet ng susunod na taon, maiiba ang paraan ng ating pamamahala at pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga kababayan.

Samantala, ang pabigat ng pagkakautang sa badyet ay ibababa pa nang 10.6 porsiyento sa susunod na taon mula 14.0 porsiyento sa 2016.

Mga Batayan: Mabuting pamamalakad at tuntunin ng batas. Gaya ng binigyang-diin ko sa aking unang State of the Nation Address (SONA), hindi magkakaroon ng tunay na kaunlaran kung hindi nakararamdam ng kapayapaan at seguridad ang mga mamamayan natin. Hindi matatamo ang paglago at pagkakaroon ng mga trabaho kung nagdaranas ng kalbaryo ang mga mamamayan sa pag-asikaso nila ng papeles sa mga ahensiya ng gobyerno. Dagdag pa, hindi natin mapanunumbalik ang pagtitiwala sa gobyerno kung nagpapatuloy ang krimen at katiwalian.

Kapayapaan at kaayusan. Dodoblehin o gagawing triple ng aking pamahalaan ang pagsisikap na madala sa kulungan ang mga tulak at mga sindikato, gayundin ang pagpigil sa terorismo. Nagkakaloob ng PHP110.4 bilyon ang badyet na ito para sa Pambansang Pulisya ng Filipinas (PNP). Ang pondong ito na mas mataas nang 24.6 porsiyento kaysa 2016 ay gagamitin sa pagpaparami ng pulis, pagbili ng mas marami pang baril at sasakyang pampatrol, at pagpondo sa iba pang gawain para sa mas epektibong pagsupil sa krimen.

Samantala, ang Hukbong Sandatahan ng Filipinas (AFP) ay magkakaroon ng PHP130.6 bilyon. Mas mataas ito nang 15 porsiyento kaysa badyet nito ngayong taon. Gagamitin ito upang palakasin ang kilos kontraterorismo at upang maprotektahan ang ating mga hanggahan. Ang binagong Programa sa Modernisasyon ng AFP ay magkakaroon ng PHP25 bilyon upang mabigyan ng mas maraming armas at kagamitan ang mga sundalo natin.

Nangangako akong daragdagan ang sahod ng ating mga pulis, sundalo, at iba pang unipormadong tauhan. At tutuparin ko ang pangakong iyon. Magsusulong tayo ng batas na magdaragdag sa pinakamababang sahod ng unipormadong tauhan subalit magrereporma ng sistema ng pensiyon ng mga nagretiro.

Hustisya at tuntunin ng batas. Babaligtarin natin ang paniniwala ng mga mamamayan na ilusyon lamang ang hustisya sa ating bansa. Upang maging mabilis ang pagresolba ng mga kaso, daragdagan natin ang kabuoang badyet ng Hudikatura nang 21.5 porsiyento na PHP32.5 bilyon. Magiging dagdag na pondo ito para sa gastusin sa pagpapatakbo ng mabababang korte, paglikha ng mga Bulwagan ng Katarungan (Halls of Justice), at ang pagpapatupad ng Enterprise Information Systems Plan.

Madaragdagan din ang alokasyon ng Kagawaran ng Hustisya (DOJ) nang 16.1 porsiyento hanggang sa halos PHP16.0 bilyon. Mapapalakas ang badyet na ito sa kakayahan ng DOJ na usigin ang mga kaso, ipagpatuloy ang libreng tulong legal ng Public Assistance Office sa mahihirap na nasasakdal, at pagbutihin ang pagsisikap ng National Bureau of Investigation na mag-imbestiga ng mga kaso. Ang alokasyong ito ay tutulong din sa pagpapadali ng pagproseso ng mga NBI clearance.

Seryosong paglilingkod sa bayan. Naianunsiyo ko na ang mga paraan para maputol ang red tape, mapadali ang pakikipagtransaksiyon, at mapabilis ang mga pangunahing serbisyo. Ang kabutihan ng mga mamamayan at mga namumuhunan ang nangunguna palagi sa mga isipan ng ating mga lingkod-bayan.

Ipinaaalala ko rin sa lahat ng nasa pambansang pamahalaan na ang mga suweldo ninyo at iba pang tinatanggap ay tataas taun-taon ayon sa pinakabagong hakbang ng Batas sa Estandardisasyon ng Sahod (Salary Standardization Law). Madaragdagan din ang performance bonus bawat taon. Upang mabigyan ng pabuya ang ating mga lingkod bayan, ipagkakaloob ng badyet na ito ang PHP16.7 bilyon para sa mga Performance-Based Bonus.

Kung pagbubutihin ninyo ang inyong trabaho at matapat na maglilingkod sa mamamayan, kayo ay mabibigyan ng gantimpala. Subalit kung kayo ay gumagawa ng mga katiwalian, pinahihirapan ang mga tao na makatanggap ng mga serbisyo, o nag-aaksaya lamang ng oras hanggang mag-alas singko, makatatanggap kayo ng karampatang parusa.

Hindi maglulubay at ipagpapatuloy ang laban natin sa katiwalaan. Maglalaan tayo ng PHP817 milyon sa Tanggapan ng Ombudsman para masolusyonan ang 21,350 mga reklamo at hinaing; makompleto ang 3,195 pagsisiyasat; at mausig ang 2,863 na mga kaso. Bibigyan din natin ang Sandiganbayan ng PHP265.2 milyon para iproseso ang 3,480 mga kaso at pagpasiyahan ang 418 kaso.

Mahusay na pamamahalang lokal. Pagkakalooban ko ng kapangyarihan ang lokal na yunit ng pamahalaan (LGU) upang maging unang hanay na magseserbisyo sa ating mamamayan. Ang kabuoang nakalaan sa mga LGU ay aabot sa PHP552.7 bilyon sa susunod na taon: 14.2 porsiyentong dagdag sa kanilang alokasyon ngayon taon. Ang PHP486.9 bilyon ng halagang iyon ay para sa awtomatikong pinaglalaanan na Internal Revenue Allotment (IRA).

Bukod sa IRA at iba pang nasa batas na kabahagi ang mga LGU mula sa Pambansang Badyet, ipagkakaloob natin ang dagdag na pondong PHP34.6 bilyon sa mga LGU. Kabilang sa halagang ito ang pondo para sa mga lokal na proyektong pagbabawas ng kahirapan ng mga nadedehadong munisipalidad.

Kabilang din dito ang mga conditional grant para sa rehabilitasyon ng ilang kalsadang panlalawigan. Ang tulong na pondo para sa rehabilitasyon ng mga kalsadang panlalawigan ay nakabatay sa dalawang bagay: una, iyong talagang kinakailangan, at pangalawa, iyong talagang nakatutugon sa mataas na pamantayan ng transparency, pamamahalang pampananalapi, at pakikilahok ng mga mamamayan.

Tungo sa makatarungang pag-unlad. Iginagalang natin ang tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang karapatan ng lahat, lalo na ang pinakamahirap at pinakamahina sa lipunan. Higit pa sa karapatan sa buhay at kaligtasan, itataguyod natin at titiyakin ang karapatan ng lahat ng mamamayan na magkaroon ng parehas na pagkakataon sa buhay.

Impraestruktura. Itong panukalang Badyet para sa taong 2017 ay nagkakahalaga ng PHP860.7 bilyon o ang 13.8 porsiyento na pagtaas para sa paglalaanan sa taon na ito. Ang mga inilatag na impraestruktura para sa taong 2017 ay katumbas ng 5.4 porsiyento ng GDP; ito ay ang paraan upang makasabay sa ating mga kapitbansa.

Ang paglalaan na ito, kabilang ang iba pa, ay gagamitin upang ayusin ang ating impraestruktura para sa transportasyon. Ang mga kalsada, riles, mga sistema ng daungan, at paliparan ay magkakaroon ng pinagsamang PHP355.7 bilyon para sa susunod na taon. Bilang ating pagsasaayos sa sumisikip na Metro Manila at mga karatig na lungsod, ating bibigyan ng patas na pagpapahalaga sa mga karugtong na mga nahúhulíng rehiyon na may sentro ng paglago. Sa katunayan, ang Mindanao Logistics Infrastructure Network ay magkakaroon ng PHP31.5 bilyon sa susunod na taon: labis na mataas kompara sa inilaang PHP19.5 bilyon ngayong taon, upang mapabilis ang pagkompleto nito.

At bilang karagdagan sa mga naibibigay ng badyet, pabibilisin ng pinasiglang programang Public-Private Partnership (PPP) ang pagsasagawa ng mga proyektong impraestruktura.

Hindi namin tatakdaan ang ating mga sarili sa paghihikayat ng mga PPP na proyekto: papayagan natin ang mga pribadong sektor na magpanukala ng mga makabagong pamamaraan at maaaring umunlad na mga proyekto na labas sa ating anumang uri ng padaluyan. Iimbitahan din natin ang mga pribadong sektor na tumulong sa operasyon at pagsasaayos ng mga pasilidad sa impraestraktura matapos itong maipatayo ng pamahalaan ayon sa kanilang kadalubhasaan na labis na kinikilala ng pamahalaan.

Agrikultura at rural na pagsulong. Hindi natin hahayaan na sarilihin ng Greater Manila ang pag-unlad. Kung ninanais natin ang nararapat na pagsulong, ang mga nahuhuling rehiyon at rural na lugar ay dapat na magkaroon ng higit na suporta mula sa pambansang pamahalaan pagdating sa mga impraestruktura, pananaliksik, pautang, produksiyon, at suporta matapos ang pag-aani, at pagtustos ang kaugnay na pag-unlad.

Ang mga reporma sa sektor ng agraryo at agrikultura ay magkakaroon ng PHP120.5 bilyon sa susunod na taon. Ang Kagawaran ng Agrikultura, sa katunayan, ay bibigyan ng PHP45.3 bilyon upang pabilisin ang produksiyon at pagbebenta ng bigas, mais, mataas na kalidad ng pananim, palaisdaan, at paghahayupan. Ang bahagi ng badyet ng Kagawaran ng Agrikultura ay nakalaan para sa pagpapabilis ng pagpapagawa ng mga kalsadang mula bukid hanggang palengke (farm-to-market roads), pasilidad matapos ang anihan, at iba pang proyektong impraestruktura. Bukod doon, ating ilalaan ang PHP36.4 bilyon para sa Pambansang Pangasiwaan sa Patubig (NIA) para buoin at ibalik ang dating kapasidad ng sistema ng irigasyon sa buong bansa. Tinaasan din natin ang pagpopondo para sa Pambansang Pangasiwaan sa Patubig habang ating gagamiting pantulong ang perang ibinabayad ng mga gumagamit na dating sinisingil sa ating mahihirap na magsasaka.

Sa paglipas ng mga taon, bilyon na ang inilaan para sa agrikultura, ngunit ang ating mga magsasaka at mangingisda ay nananatili pa ring mahirap. Inaatasan ko ang Kagawaran ng Agrikultura at ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan na gawin nila ang kanilang trabaho nang magkaiba. Ang Kagawaran ng Agrikultura, bilang halimbawa, ay makabubuo na ng ayon sa panahon na National Soil Sample Data pagkatapos ng apat na dekada. Ang tangi nating magagawa para sa ating mga magsasaka ay ang gabayan sila kung saan, kailan, at paano ang pagtatanim upang makakuha sila ng masaganang kita mula sa kanilang paghihirap at pawis.

Samantala, ang turismo ay mabibigyan ng may kabuoang PHP4.0 na bilyon sa susunod na taon upang makalikha ng mas maraming oportunidad na trabaho at kabuhayan mula sa mga hindi pa dinarayong lugar at itinatampok na kultura sa ating bansa. Ang halaga ay hiwalay mula sa PHP20.1 bilyon na inireserba para sa pagpapaunlad ng impraestrukturang panturismo—mga paliparan, pantalan, at mga daan—upang mapadali para sa mga turistang maglakbay sa buong bansa.  

Teknolohiya at inobasyon. Matatamo lamang natin ang tuloy-tuloy at makatarungang pag-unlad kung gagamitin natin ang likas na kakayahan ng kabataan sa teknolohiya at pagbutihin ang ating pakikipag-ugnayan. Sa susunod na taon, tataasan nang 14.2 porsiyento upang maging PHP20.8 bilyon ang badyet ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST). Isasapanahon ng karagdagang pondong ito ang kakayahan natin sa pagtataya ng lagay ng panahon.

Bibigyan din natin ng PHP3.56 bilyon ang bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT). Magpopokus ang DICT sa mga usaping ICT kasama ang bilis ng internet at mga krimeng elektroniko. Kasama ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (TESDA), dadalhin ng DICT ang ICT sa mga eskuwelahan at manpower development program para siguruhin na maalam sa ICT ang lakas pantao ng bansa.

Pagpundar sa pagpapaunlad ng kapital pantao. Kung makikipagkompetensiya tayo sa buong mundo, kailangang mamuhunan ang pamahalaan sa pinakamahalaga nitong yaman—ang tao.

Edukasyon. Sa 2017, aabot sa PHP699.95 bilyon ang badyet ng sektor ng edukasyon, o 20.9 porsiyento ng buong Badyet. Daragdagan ang badyet ng Kagarawan ng Edukasyon (DepEd) nang 31 porsiyento upang maging PHP570.4 bilyon para ituloy ang programang K to 12. Gamit ang pinakamataas na badyet sa lahat ng departamento, magtatayo ang DepEd ng halos 37,500 na silid-aralan para sa K to 10 at Senior High School, kukuha ng 53,831 dagdag na titser, at magbibigay sa 2.7 milyong mag-aaral ng iskolarship sa mga pribadong eskuwelahan.

Magkakaroon ang Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (TESDA) ng PHP6.9 bilyon sa susunod na taon atbp para suportahan ang 293,333 estudyante sa Training-for-Work Scholarship Program nito. Mayroon ding PHP13.4 bilyon ang Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED) para palawakin ang abot ng student financial assistance program nito, pati na rin sa pagpapataas ng K to 12 Transition Program nito. Magkakaroon din ng kabuuang PHP58.8 bilyon ang mga Pampublikong Kolehiyo at Unibersidad (SUC) para sa subsidyo ng pamahalaan sa susunod na taon: karagdaan mula sa PHP49.7 bilyon noong 2016.

Kalusugan. Naglaan ng PHP151.5 bilyon ang 2017 Badyet para sa sektor ng kalusugan. Pagkakalooban ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ng PHP94 bilyon para ipagpatuloy ang implementasyon ng universal healthcare program. Gagamitin ang alokasyong ito, bukod sa iba pa, sa pagpapadala ng mas maraming doktor at manggagawang pangkalusugan sa mga probinsiya, pagpapabuti ng pasilidad pangkalusugan gaya ng lokal na ospital at sentrong panrehabilitasyon para sa nag-abuso sa droga. Masigasig naming susuportahan ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law. Para sa layuning ito, pagkakalooban ang DOH ng PHP4.3 bilyon sa susunod na taon.

Bukod pa rito, bibigyan ng PHP50.2 bilyon ang PhilHealth para ipagpatuloy ang health insurance coverage ng humigit-kumulang 15.4 milyong maralitang pamilya at 5.4 milyong matatanda.

Kagalingang panlipunan at maayos na kabuhayan. May kabuoang PHP295.2 bilyon ang ilalaan sa programa ng gobyerno para magbigay ng sapat na proteksiyong panlipunan at maayos na kabuhayan sa pinakamahihirap.

Humigit-kumulang PHP129.9 bilyon ang ilalaan para sa Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD) sa 2017. Sa halagang ito, PHP78.7 bilyon ang gagamitin para bigyan ng conditional cash transfer ang 4.62 milyong pamilyang benepisyaryo, kabilang dito ang 218,377 pamilyang nasa ilalim ng Modified CCT.

Kasama rin sa pondong CCT ang PHP23.4 bilyong alowans pambigas para sa tatlong milyong benipisyaryong pamilya nito. Bibigyan ang mga napiling pamilya ng 20 kilo bigas sa loob ng 12 buwan simula 2017.

Dapat nating tandaan na ang suporta natin sa pinakamahihirap ay nararapat na makatulong sa kanila upang magkaroon ng kapaki-pakinabang na trabaho at hanapbuhay. Dahil dito, itutuloy ng DSWD ang Sustainable Livelihood Program para sa pagpapaunlad ng microenterprise at pagbibigay ng trabaho sa kalahating milyong pamilya.

Ang Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) naman ay paglalaanan ng PHP13.5 bilyong badyet sa susunod na taon para suportahan ang mga programa sa hanapbuhay at trabaho.

Pabahay. Naglaan ng PHP15.4 bilyon ang 2017 Badyet para sa disente at abot-kayang pabahay sa mahihirap. Bibigyan ng PHP12.6 bilyon ang Pambansang Pangasiwaan sa Pabahay (NHA) para sa pabahay (socialized housing), partikular sa paglilipat sa mga informal settler sa mapanganib na lugar at tulong na pabahay sa mga nasalanta ng kalamidad.

Bukod sa nabanggit, bibigyan ng PHP7.3 bilyon ang Kagawaran ng Transportasyon (DOTr) para sa paglilipat ng mga pamilya ng informal settler na maaapektuhan ng North-South Railway Project. Pagtalima ito sa pangako ng administrasyon sa patakarang “no demolition without relocation” para suportahan ang mga maaapektuhan ng mga isinasagawang proyekto sa transportasyon.

Pagbibigay ng enerhiya. Maglalaan ng PHP5.6 bilyon sa 2017 Badyet para sa elektripikasyon na makatutulong sa pag-unlad ng mga probinsiya. Pagkakalooban ng PHP1.8 bilyon ang Pambansang Pangasiwaan sa Elektripikasyon (NEA) para sa elektripikasyon ng 2,410 sitio at 72,300 tahanan. Dagdag pa, tatanggap ang National Power Corporation ng PHP2.8 bilyon para sa pagpapatayo ng mga linya ng koryente, sub-station; at sa pag-aayos at pagmamantene ng mga generating asset sa mga lugar na di-bahagi ng grid (off-grid areas).

Tutustusan naman ng Kagawaran ng Enerhiya (DOE) ng PHP1.0 bilyon ang elektripikasyon sa 190,600 tahanan sa off-grid at on-grid na lugar.

Pagpapababa ng panganib sa mga sakuna at pangangalaga sa kalikasan. Nangangako kaming poprotektahan ang mga pinakanaaapektuhan ng pagbabagong klima. Kaya, bibigyan namin ng PHP37.3 bilyon para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF). Kabilang dito ang PHP10.0 bilyong Quick Response Funds at PHP1 bilyon para sa People’s Survival Fund.

Dagdag pa riyan, magkakaroon ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) ng PHP29.4 bilyon sa 2017. Halos 32 porsiyentong pagtaas kompara noong nakaraang taon, makakatulong ang pondong ito sa pagpapanumbalik ng mga gubat, pagbawas ng panganib dahil sa klima, at pangalagaan ang integridad ng kalikasan.

PAMAMAHALA AT REPORMA SA BADYET

Ang ating Badyet para sa 2017 ay magsisilbing mahalagang kasangkapan sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan. Isusulong din natin ang mga hakbang sa reporma na magagawa ang Estado bilang tunay na lingkod ng mamamayan.

Reporma sa Pamamahalang Pinansiyal Pampubliko [Public Financial Management (PFM)]. Ang mungkahing badyet na aking inihaharap ngayon sa inyo ay nakabatay sa mga reporma sa pamamahalang pinansiyal pampubliko na sinimulan noon pang pagsapit ng ika-21 siglo. Bilang pagkilala kung sino ang nararapat, ang ating mga ahensiya sa pananalaping pangangasiwa ay nagpapatupad ng mga ito at iba pang reporma na nagpabago nang malaki sa PFM sa Filipinas. Sang-ayon ito sa pag-aaral ng Public Expenditure and Financial Accountability (PEFA) kamakailan.

Gayunman, ang nasabing pag-aaral ng PEFA ay nagpalitaw sa mahahalagang kakulangan: ang badyet ay hindi maaasahan sapagkat malaki ang pagkakaiba ng aktuwal na paggasta sa laang-gugulin na pinagtibay ng Kongreso; patuloy na naging mahina ang pamamaraan ng pagtutuos at pag-uulat; at gayundin ang pangangasiwa ng Kongreso sa Badyet.

Gayundin, marami sa kapaki-pakinabang na reporma ng PFM na ipinatupad simula pa noong mga unang taón ng 2000 ay hindi pa nakokompleto hanggang ngayon. Ang mga ito ay hindi pa naisagawang permanente ng isang komprehensibong batas. Ang hindi malinaw na bahagi at iba pang mga mali sa mga batas ng PFM sa nakaraan ay nagpahintulot sa mga pag-abuso. Ang mga probisyon sa badyet at pamamahala ng Kodigo Administratibo ng 1987 at iba pang batas ay kinakailangan ding maisapanahon bilang pagsasaalang-alang sa maraming pagbabago sa pandaigdig na praktis ng PFM sa huling tatlong dekada.

Nagtagubilin na ako sa Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (DBM) na agad bumalangkas at iharap ang panukalang Batas ng Reporma sa Badyet. Isasapanahon ng panukalang batas na ito ang legal na balangkas para sa PFM, ikakawing ang mga nakabubuting reporma, at lulunasan ang matagal nang isyu na inihayag ng PEFA. Lilinawin din nito ang mga limitasyon sa kapangyarihang pambadyet ng Ehekutibo at palalakasin ang kapangyarihan ng Kongreso sa pondo, na sumasang-ayon sa mahahalagang desisyon (landmark rulings) ng Korte Suprema sa Priority Development Assistance Fund at ang Disbursement Acceleration Program.

Kalayaan sa pagkuha ng impormasyon. Ang Filipinas ay isa na ngayon sa may pinakatransparenteng sistema ng pagbabadyet sang-ayon sa pandaigdig na Open Budget Survey (OBS). Subalit sa kabila ng paglalathala ng mga ulat at pagsasa-online ng datos, kinakailangan pa nating kumilos upang ipagtanggol ang karapatan ng tao na humingi ng impormasyon ukol sa mga gawain ng pamahalaan, partikular kung paano ginastos ang kanilang buwis.

Nais ko ang katapatan sa pamamahala.

Tinupad ko ang aking pangako noong kampanya sa pagpapalabas ng Atas Tagapagpaganap Blg. 2, s. 2016 na nagpapatupad sa probisyon ng panukalang batas ng Kalayaan sa Pagkuha ng Impormasyon (FOI) sa Sangay Ehekutibo. Nagtagubilin din ako sa DBM na isama sa panukalang Batas sa Reporma ng Badyet ang mga probisyon hinggil sa akses sa impormasyon. Ngayon, pagkakataon na ng Kongreso na ipasa agad ang matagal nang batas sa Impormasyon upang ang karapatan ng tao sa impormasyon ay igalang sa lahat ng sangay at antas ng pamahalaan.

Kaangkupang laki ng pamahalaan. Sa kasalukuyan, ang pambansang pamahalaan ay may 186 na kagawaran, mga ahensiya, at iba pang opisina, mula lamang sa 176 noong 2000. Ang manggagawa ng pamahalaan ngayon ay nasa 1.5 milyong posisyon kompara sa 1.1 milyon lang noong 2000. Talagang lumaki ang burukrasya alinsunod sa bilang ng mamamayang pinaglilingkuran: partikular sa pagkuha ng mga guro, pulis, at iba pang katungkulang batay sa populasyon.

Gayunman, hindi natin maitatanggi na mayroong paglobo sa pamahalaan na dapat nating bawasan.

Ang burukrasya ng pamahalaan ay dapat na maging manipis, malinis, at maliksi sa pagtugon sa kagyat na pangangailangan ng taumbayan. Kaya, noon pang simula ng aking termino, inatasan ko ang mga ahensiya ng pamahalaan na bawasan at i-automate ang pangunahing serbisyo at proseso ng gawain, magtatag ng mga one-stop government center, at repasuhin ang kani-kaniyang organisasyon.

Hihiling ako ng kapangyarihan mula sa Kongreso na alisin ang paulit-ulit, nagduduplika, at magkakaparehong gawain at organisasyon sa Sangay Ehekutibo. Hindi magtatagal, maghaharap kami ng panukalang batas sa pag-streamline ng pamahalaan na magbibigay ng kapangyarihan sa Ehekutibo na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri ng mga gawain at organisasyonal na estruktura ng Ehekutibo, pag-isahin o buwagin ang mga ahensiya, at magpatupad ng iba pang pamamaraan upang mapabuti ang kaayusan ng operasyon at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo. Ang panukalang batas ay magbibigay ng makatwirang pakete ng paghiwalay sa serbisyo (separation package) para sa mga tauhan na maaapektuhan ng pag-aangkop ng laki ng pamahalaan.

Kompensasyon ng militar at unipormadong kawani. Isinusuong ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang unipormadong kawani ang kanilang buhay upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Kaya dapat silang tumanggap ng nararapat. Inatasan ko na ang DBM na isagawa ang pagtataas sa kanilang batayang suweldo at mga alawans.

Reporma sa pensiyon. Ang reporma sa pensiyon ng Militar at Unipormadong Kawani ay isusulong dahil sa lumolobong pasaning badyet na ang kabuoang halaga ng pensiyon ng retiradong sundalo ay lalampas sa kompensasyon ng mga nasa aktibong serbisyo. Ang panukalang batas ay lilikha ng pondo sa pensiyon na katulad sa o bahagi ng Sistema sa Paseguruhan ng mga Naglilingkod sa Pamahalaan (GSIS), na papalitan ang kasalukuyang sistema na ang pensiyon ng militar at iba pang unipormadong kawani ay taunang pinaglalaanan ng Kongreso.

Panukalang reporma sa buwis. Ipinangangako kong isusulong ang isang reporma sa buwis na babago sa kasalukuyang sistema upang maging pantay, maayos, at kompetitibo sa rehiyon para mapondohan ang badyet na may katarungang panlipunan, kaayusan, at pagkakaisa. Sa kaibuturan ng aming panukala ay ang pagpapababa ng singil sa buwis ng sahod para sa mga indibidwal at korporasyon: mula sa kasalukuyang taas na 32 porsiyento at 30 porsiyento, nang naaalinsunod, patungong 25 porsiyento. Dahil dito, madaragdagan ang maiuuwing suweldo ng indibidwal na manggagawa kapuwa sa pribado at publikong sektor. Mas magiging mainam ang klima ng kalakalan sa bansa.

Hindi makatwiran na manganib ang mga pagsisikap sa pagpapatatag ng pananalapi dahil lámang sa pagpapababa sa singil sa buwis ng sahod (income tax rates) na walang mga pamamaraan na makagagaan. Kaya, hiniling ko sa Kongreso na pagtibayin ang lahat ng paraan na bubuo sa bahagi ng ating pakete ng reporma sa buwis. Upang matumbasan ang dáting kíta mula sa pagpapababa ng singil sa buwis ng sahod, ipinanukala namin na palawakin ang value-added tax base at iindeks ang oil excise tax sa implasyon. Ang piskal na insentibo ay makatwirang isasaayos..

Ang mga paraan sa pagbubuwis ay daragdagan ng mga paraang administratibo upang sugpuin ang mga problema sa pagbubuwis gaya ng pagbabago sa mga sistema at kapasidad ng Kawanihan ng Rentas Internas at ng Adwana (Customs). Sa katapusan, ang mga pamamaraan upang palakasin ang kampanya laban sa pag-iwas sa pagbayad ng buwis ay isusulong: ang Bank Secrecy Law ay magiging maluwag habang ang Anti-Money Laundering Act ay sususugan upang ang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis ay maging isang krimeng patunay sa money laundering.

Ang pagpapasa nitong pakete ng reporma sa buwis ay tutugunan ang mga kahinaan ng kasalukuyang estruktura at pamamahala ng buwis nang hindi nakompromiso ang katatagang pampananalapi.

KONGKLUSYON: ANG BADYET PARA SA TAO AT NG TAO

Gaya ng sinabi ko sa aking unang SONA, ang pamamahala at pagpapaunlad ay magiging hungkag kung hindi pantao ang ating hakbang.

Idagdag ko pa: walang kabuluhan ang badyet kung hindi nakasentro sa Filipino.

Ang hakbang na pantao sa pananalaping publiko ay nangangahulugan na kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng mga nagbabayad ng buwis na malaman kung saan at paano ginagamit ang pondo ng bayan. Nangangahulugan itong makukuha ng mahihirap at ng mga nasa laylayan ang sinasabi ng pamahalaan na kanilang matatanggap mula sa badyet. Nangangahulugan din itong ang kapakanan ng mga botante na nagbigay sa amin ng mandato na mamahala, hindi ang mga oligarka ni ang mga naglalaro ng kapangyarihan, ay pakikinggan at bibigyan ng pangunahing atensiyon.

Higit pa sa mga natipong numero at tadhana, ang panukalang Badyet na ito ay sagisag ng ipinagsisigawan ng mga tao na tunay na pagbabago at isang pamahalaang mapagmalasakit. Kaya, hinihiling ko sa kalalakihan at kababaihan ng ika-17 Kongreso na suriing mabuti at pagtibayin ang panukalang Badyet para sa 2017.

 

Para sa tao at ng tao,

 

 

RODRIGO ROA DUTERTE